Ang Linggo ng Palaspas ay ang ika-anim at huling Linggo ng Kuwaresma bago ang Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo. Sa araw na ito ay ginugunita ng mga Kristiyano ang pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem bago ang kanyang kalbaryo, o senyales ng pagsisimula ng Mahal na Araw.
Tuwing Linggo ng Palaspas, maraming mga Kristiyano ang nagdiriwang ng mga krus na gawa mula sa mga palaspas o ang pinalamutiang at binasbasang mga dahon ng palma at sa pamamagitan rin ng pagsisimba o pagpunta sa simbahan.
Sa araw na ito ay dala ng mga deboto ang palaspas sa Simbahan. Sa hudyat ng pari ay sabay sabay nilang iwinawagayway ang nasabing gamit. Ang pagwawagayway na ito ay nakakalikha ng animo’y matulis na tunog na dala ng hangin na pinaniniwalaan na isang paraan upang itaboy ang masasamang elemento at espiritu. Ang pari ay iikot sa mga tao upang mabindisyunan gamit ang banal na tubig ang mga palaspas ng mga deboto. Pag-uwi sa kani-kanilang tahanan ay ikinakabit ng mga tao ang kanilang palaspas a pintuan ng kanilang bahay upang protektahan ang kanilang pamilya mula sa kasamaan. Mananatili itong nakasabit sa tahanan hanggang sumapit muli ang Araw ng Palaspas isang taon ang makalipas.
0 comments:
Post a Comment